Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Apocalipsis 21:4—“Papahirin Niya ang Bawat Luha”

Apocalipsis 21:4—“Papahirin Niya ang Bawat Luha”

 “Papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot. Ang dating mga bagay ay lumipas na.”—Apocalipsis 21:4, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata. Wala nang kamatayan, dalamhati, pagtangis, at paghihirap sapagkat lumipas na ang dating mga bagay.”—Pahayag (o, Apocalipsis) 21:4, Magandang Balita Biblia.

Ibig Sabihin ng Apocalipsis 21:4

 Hindi lang ipinapangako ng Diyos na mawawala ang lahat ng sakit at paghihirap ng tao, ipinapangako rin niya na aalisin niya ang pinakadahilan ng mga problemang ito.

 “Papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila.” Idiniriin ng mga salitang ito ang pangakong ipinasulat ni Jehova a kay propeta Isaias na “papahirin [Niya] ang mga luha sa lahat ng mukha.” (Isaias 25:8; Apocalipsis 7:17) Makikita rito na talagang nagmamalasakit ang Diyos sa lahat ng mga lumuha dahil sa paghihirap nila o dahil namatayan sila ng mahal sa buhay.

 “Mawawala na ang kamatayan.” Puwede ring isalin ang pananalitang ito na “hindi na iiral ang kamatayan” o “wala nang mamamatay.” Nangangako ang Diyos na aalisin niya ang kamatayan at pagdurusa na epekto nito. Magkakaroon din ng pagkabuhay-muli. (1 Corinto 15:21, 22) Kaya masasabing ang kamatayan ay “mawawala na.”—1 Corinto 15:26.

 “Pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.” Hindi ibig sabihin nito na magiging manhid na ang mga tao. Sa halip, sinasabi ng pangakong ito na mawawala na ang lahat ng mental, emosyonal, at pisikal na kirot na epekto ng kasalanan b at pagiging di-perpekto.—Roma 8:21, 22.

 “Ang dating mga bagay ay lumipas na.” Ito ang pinakasimpleng paglalarawan sa mga mangyayari sa mga tao. Sinasabi ng isang reperensiya: “Ang dating paraan ng pamumuhay ng mga tao, kung saan bahagi na ng buhay ang kamatayan, pagdadalamhati, pag-iyak, at kirot, ay mapapalitan ng bagong paraan ng pamumuhay.” Mabubuhay magpakailanman ang mga tao sa lupa nang masaya, gaya ng orihinal na layunin ng Diyos.—Genesis 1:27, 28.

Konteksto ng Apocalipsis 21:4

 Sa simula ng kabanata 21, sinabi ni apostol Juan ang nakita niya sa pangitain: “Nakita ko ang bagong langit at ang bagong lupa.” (Apocalipsis 21:1) Paglalarawan ito sa isang napakalaking pagbabago, na inihula na rin sa ibang teksto sa Bibliya. (Isaias 65:17; 66:22; 2 Pedro 3:13) Papalitan ng kaharian ng Diyos sa langit, o ng “bagong langit,” ang lahat ng gobyerno ng tao sa lupa. Pamamahalaan nito ang “bagong lupa,” o ang isang bagong lipunan ng mga tao na mabubuhay sa lupa.—Isaias 65:21-23.

 Paano natin masasabi na sa lupa mangyayari ang pangitaing ito? Una, nagsimula ang pangako ng Diyos sa pananalitang: “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan.” (Apocalipsis 21:3) Kaya ang pangakong ito ay ibinigay, hindi sa mga anghel sa langit, kundi sa mga tao rito sa lupa. Ikalawa, inilalarawan sa pangitaing ito ang mundo kung saan “mawawala na ang kamatayan.” (Apocalipsis 21:4) Walang namamatay sa langit; sa lupa lang may namamatay. (Roma 5:14) Kaya makatuwirang isipin na inilalarawan ng tekstong ito ang mga mangyayari sa lupa sa hinaharap.

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Apocalipsis.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?

b Sa Bibliya, ang salitang “kasalanan” ay tumutukoy sa mga gawa, nararamdaman, o naiisip, pati na sa hindi pagkilos, na hindi ayon sa pamantayan ng Diyos. (1 Juan 3:4) Tingnan ang artikulong “Ano ang Kasalanan?