PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Awit 23:4—‘Kahit Lumalakad Ako sa Lambak ng Lilim ng Kamatayan’
“Kahit na lumalakad ako sa napakadilim na lambak, hindi ako natatakot dahil kasama kita; panatag ang loob ko dahil sa iyong pamalo at tungkod.”—Awit 23:4, Bagong Sanlibutang Salin.
“Kahit ako lumalakad sa lambak ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan, sapagkat ikaw ay kasama ko; ang iyong pamalo at ang iyong tungkod ang umaaliw sa akin.”—Awit 23:4, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ibig Sabihin ng Awit 23:4 a
Pinoprotektahan ng Diyos ang mga sumasamba sa kaniya, kahit nakakaranas sila kung minsan ng mahihirap na sitwasyon. Sa tekstong ito, itinulad ang Diyos sa isang pastol na nag-aalaga ng kaniyang mga tupa. b Hindi sila natatakot kahit nasa mahihirap silang sitwasyon, na inilarawan sa tekstong ito bilang isang lugar na napakadilim o parang lilim ng kamatayan. Panatag sila, na parang nasa tabi nila ang Diyos.
Noong panahon ng Bibliya, ginagamit ng isang pastol ang pamalo niya para protektahan ang mga tupa mula sa mababangis na hayop. Ginagamit din niya ang kaniyang tungkod, o isang mahabang patpat na may hawakan sa isang dulo, para akayin ang mga tupa o ilayo sila sa panganib. Ang Diyos na Jehova ay gaya ng isang maibiging Pastol na pumoprotekta at gumagabay sa mga sumasamba sa kaniya. Kahit sa pinakamahirap na parte ng buhay nila, tinutulungan sila ni Jehova sa iba’t ibang paraan.
Tinuturuan niya sila at pinapalakas gamit ang kaniyang Salita, ang Bibliya.—Roma 15:4.
Nakikinig siya sa mga panalangin nila at binibigyan sila ng kapayapaan ng isip.—Filipos 4:6, 7.
Ginagamit niya ang ibang lingkod niya para patibayin sila.—Hebreo 10:24, 25.
Ipinapangako niya na bubuti ang kalagayan sa hinaharap at aalisin niya ang masasamang bagay na nararanasan nila ngayon.—Awit 37:29; Apocalipsis 21:3-5.
Konteksto ng Awit 23:4
Si David ang sumulat ng Awit 23. Isa siyang pastol noong kabataan niya at naging hari siya ng sinaunang bansa ng Israel. (1 Samuel 17:34, 35; 2 Samuel 7:8) Sa unang bahagi ng awit, inilarawan si Jehova bilang isang Pastol na umaakay, nagpapakain, at nagpapaginhawa sa kaniyang mga lingkod, gaya ng ginagawa ng isang pastol sa kaniyang mga tupa.—Awit 23:1-3.
Sa unang mga talata ng Awit 23, tinukoy ni David ang Diyos gamit ang panghalip na “niya.” Pero nang idinidiin na niya ang proteksiyon ng Diyos sa talata 4, pinalitan niya ang panghalip at direkta na niyang kinakausap ang Diyos. Ipinapakita ng pagbabagong ito na talagang malapít si David kay Jehova. Alam ni David na nagmamalasakit sa kaniya ang Diyos at na alam Niya ang mga pinagdadaanan niya. Kaya naman hindi natatakot si David.
Sa talata 5 at 6 ng Awit 23, inilarawan naman ang isang taong nagpapatulóy ng kaniyang bisita. Bukas-palad na tinatanggap ni Jehova si David bilang isang espesyal na bisita. Hindi mapigilan ng mga kaaway ni David ang proteksiyong ibinibigay ng Diyos sa kaniya. Sa huling bahagi ng Awit, ipinakita ni David na nagtitiwala siya na ang Diyos ay magpapakita sa kaniya ng kabutihan at tapat na pag-ibig sa buong buhay niya.
Itinuturo sa atin ng mga paglalarawan sa Awit 23 na laging inaalagaan at pinoprotektahan ng Diyos ang mga mananamba niya.—1 Pedro 2:25.
a Sa ilang Bibliya, tinatawag ang awit na ito na Awit 22. May 150 na Awit, pero may ilang Bibliya na sinusunod ang paghahati na ginamit sa Hebreong tekstong Masoretiko. Sa ibang Bibliya naman, sinusunod ang paghahati ng Griegong Septuagint, isang salin ng tekstong Hebreo na natapos noong ikalawang siglo B.C.E.
b Ang Diyos, na ang pangalan ay Jehova, ay madalas na ilarawan sa Bibliya bilang isang maibiging Pastol. Inilalarawan naman ang mga mananamba niya bilang mga tupa, na umaasa sa kaniyang proteksiyon at tulong.—Awit 100:3; Isaias 40:10, 11; Jeremias 31:10; Ezekiel 34:11-16.