PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Awit 37:4—“Magkaroon Ka ng Kasiyahan sa PANGINOON”
“Magkaroon ka ng masidhing kasiyahan kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng puso mo.”—Awit 37:4, Bagong Sanlibutang Salin.
“Magkaroon ka ng kasiyahan sa PANGINOON at ibibigay niya sa iyo ang mga hangarin ng iyong puso.”—Awit 37:4, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ibig Sabihin ng Awit 37:4
Pinapayuhan ng salmista ang mga sumasamba sa Diyos na maging masaya sa pakikipagkaibigan sa Kaniya. Kapag ginawa nila iyon, makakatiyak sila na ibibigay ng Diyos na Jehova a ang mga gusto nila.
“Magkaroon ka ng masidhing kasiyahan kay Jehova.” Puwede ring isalin ang pananalitang ito na “masiyahan sa paglilingkod sa Panginoon,” o “masiyahan sa mga pangako sa iyo ng Panginoon.” Ibig sabihin, talagang magiging masaya tayo sa pagsamba sa tunay na Diyos. Paano iyan mangyayari?
Natutularan ng mga sumasamba kay Jehova ang kaisipan niya, na mababasa sa Bibliya. Hindi lang nila basta kilala ang Diyos. Alam din nila na makakabuti sa kanila kung susunod sila sa kaniya. Kaya malinis ang konsensiya nila at naiiwasan nilang makagawa ng maling desisyon. (Kawikaan 3:5, 6) Halimbawa, hindi sila nagagalit o naiinggit kapag nakikita nila na parang nagtatagumpay ang mga taong gumagawa ng masama. (Awit 37:1, 7-9) Masaya ang mga sumasamba sa Diyos kasi alam nila na malapit na niyang alisin ang kawalang-katarungan at pagpalain ang mga tapat at gumagawa ng mabuti. (Awit 37:34) Napakasaya rin nila kasi alam nila na sinasang-ayunan sila ng Ama nila sa langit.—Awit 5:12; Kawikaan 27:11.
“Ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng puso mo.” Puwede ring isalin ang mga pananalitang ito na “sasagutin niya ang mga panalangin mo,” o “ibibigay niya ang mga gusto mo.” Hindi ibig sabihin nito na ibibigay ni Jehova ang lahat ng gusto natin. Gaya ng isang mabuting magulang, alam ni Jehova kung ano ang pinakamaganda para sa mga anak Niya. Kaya dapat ayon sa mga pamantayan at kalooban niya ang mga hinihiling natin at paraan ng pamumuhay. (Kawikaan 28:9; Santiago 4:3; 1 Juan 5:14) Kapag sinunod natin iyan, makakapagtiwala tayo na papakinggan tayo ng “Dumirinig ng panalangin.”—Awit 65:2; Mateo 21:22.
Konteksto ng Awit 37:4
Si Haring David ng sinaunang Israel ang sumulat ng Awit 37. Isinulat niya ito sa istilong alpabetiko, o akrostik. b
Maraming beses nakaranas ng kawalang-katarungan si David. Gusto siyang patayin ni Haring Saul at ng iba pang galit sa kaniya. (2 Samuel 22:1) Pero buo pa rin ang tiwala ni David sa kaniyang Diyos. Alam ni David na darating ang panahon na paparusahan din ni Jehova ang masasama. (Awit 37:10, 11) Kahit parang nagtatagumpay sila, matutuyot din sila o mawawala gaya ng “berdeng damo.”—Awit 37:2, 20, 35, 36.
Ipinapakita ng Awit 37 ang kaibahan ng mangyayari sa mga sumusunod sa mga pamantayan ng Diyos at sa mga hindi sumusunod dito. (Awit 37:16, 17, 21, 22, 27, 28) Kaya tinutulungan tayo nito na maging marunong at makuha ang pagsang-ayon ng Diyos.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Mga Awit.
a Ang Jehova ay galing sa karaniwang salin sa English ng personal na pangalan ng Diyos sa wikang Hebreo. Para malaman kung bakit ginagamit ng maraming translation ng Bibliya ang titulong Panginoon kaysa sa personal na pangalan ng Diyos, tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”
b Sa istilong ito, ang unang talata o grupo ng mga talata ay nagsisimula sa unang letra ng alpabetong Hebreo, ang susunod na grupo ay magsisimula naman sa ikalawang letra, at patuloy. Posibleng ginawa ito para mas madali itong matandaan.