PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Awit 46:10—“Tumahimik Kayo at Alamin na Ako ang Dios”
“Magpasakop kayo at kilalanin ninyo na ako ang Diyos. Dadakilain ako sa gitna ng mga bansa; dadakilain ako sa lupa.”—Awit 46:10, Bagong Sanlibutang Salin.
“Tumahimik kayo at alamin na ako ang Dios. Ako’y matataas sa gitna ng mga bansa, ako’y matataas sa daigdig.”—Awit 46:10, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ibig Sabihin ng Awit 46:10
Gusto ng Diyos na sambahin siya ng lahat at kilalaning siya ang dapat mamahala sa buong mundo. Makapangyarihan at may awtoridad siya at dapat itong kilalanin ng mga gustong mabuhay magpakailanman.—Apocalipsis 4:11.
“Magpasakop kayo at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.” Sa ilang salin ng Bibliya, ang unang bahagi ng pangungusap na ito ay isinaling “tumahimik kayo.” Dahil dito, akala ng iba utos ito na dapat maging mapagpitagan o manahimik sa simbahan. Pero ang pananalitang Hebreo na isinaling “magpasakop kayo at kilalanin ninyo na ako ang Diyos” ay isang paghimok ng Diyos na Jehova a sa mga tao ng lahat ng bansa na tigilan ang paglaban sa kaniya at kilalaning siya lang ang dapat sambahin.
Ganiyan din ang mababasa sa Awit 2. Doon, nangangako ang Diyos na kikilos siya laban sa mga kumakalaban sa kaniya. Pero ang mga kumikilala sa awtoridad ng Diyos ay umaasa sa kaniya para sa gabay, lakas, at karunungan. Dahil “nanganganlong [sila] sa Kaniya,” masaya sila at panatag, lalo na sa mahihirap na panahon.—Awit 2:9-12.
“Dadakilain ako sa gitna ng mga bansa; dadakilain ako sa lupa.” Noon, dinakila si Jehova nang gamitin niya ang kapangyarihan niya para protektahan ang bayan niya. (Exodo 15:1-3) Sa hinaharap, higit pa siyang dadakilain kapag ang lahat ng tao sa lupa ay nagpasakop na sa awtoridad niya at sumasamba na sa kaniya.—Awit 86:9, 10; Isaias 2:11.
Konteksto ng Awit 46:10
Sinasabi ng isang reperensiya na ang Awit 46 ay “himno na pumupuri sa kapangyarihan ng Diyos, na tagapagtanggol ng bayan niya.” Kapag inaawit ng bayan ng Diyos ang Awit 46, ipinapahayag nila ang tiwala nila sa kakayahan ni Jehova na protektahan sila at tulungan. (Awit 46:1, 2) Ipinapaalala sa kanila ng awit na ito na lagi nilang kasama si Jehova.—Awit 46:7, 11.
Para lalo silang magtiwala sa kapangyarihan ng Diyos na protektahan sila, pinatibay sila ng awit na pag-isipan ang mga makapangyarihang gawa ni Jehova. (Awit 46:8) Idiniin nito ang kakayahan ng Diyos na patigilin ang digmaan. (Awit 46:9) Ginawa iyon ni Jehova noong panahon ng Bibliya nang protektahan niya ang bayan niya sa mga kaaway na bansa. Pero nangangako ang Bibliya na higit pa riyan ang malapit nang gawin ng Diyos kapag pinatigil na niya ang mga digmaan sa buong mundo.—Isaias 2:4.
Tinutulungan pa rin ba ni Jehova ang mga lingkod niya ngayon? Oo, pinapatibay pa nga ni apostol Pablo ang mga Kristiyano na umasa sa tulong ng Diyos. (Hebreo 13:6) Mapapatibay ng Awit 46 ang tiwala natin sa kapangyarihan ng Diyos na protektahan tayo. Tinutulungan tayo nitong gawing “kanlungan at lakas” ang Diyos.—Awit 46:1.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Mga Awit.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?“