Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Bilang 6:24-26—“Pagpalain Ka Nawa ng Panginoon at Ingatan Ka”

Bilang 6:24-26—“Pagpalain Ka Nawa ng Panginoon at Ingatan Ka”

 “Pagpalain ka nawa ni Jehova at ingatan ka. Pasinagin nawa ni Jehova sa iyo ang kaniyang mukha, at pagpakitaan ka nawa niya ng pabor. Iharap nawa ni Jehova sa iyo ang kaniyang mukha at bigyan ka ng kapayapaan.”—Bilang 6:24-26, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan ka: Paliwanagin nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo: Ilingap nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan.”—Bilang 6:24-26, Ang Biblia.

Ibig Sabihin ng Bilang 6:24-26

 Kilalá ang mga salitang ito bilang ang basbas ng saserdote, o ni Aaron—ang unang mataas na saserdote ng Israel. (Exodo 28:1) Sa Diyos galing ang basbas o pagpapalang ito. (Bilang 6:22, 23) Iniutos niya kay Moises: “Sabihin mo kay Aaron at sa mga anak niya, ‘Ganito ninyo pagpapalain ang bayang Israel.’” Pagkatapos nito, sinabi ng Diyos ang mga salitang nasa Bilang 6:24-26. Sinunod ito ng mga saserdote. Pinarangalan din nila ang pangalan ng Diyos na Jehova. a Mababasa natin sa talata 27: “At gagamitin [ng mga saserdote] ang pangalan ko para pagpalain ang bayang Israel, nang sa gayon ay pagpalain ko ito.”

 “Pagpalain ka nawa ni Jehova at ingatan ka.” Kapag pinagpapala ni Jehova ang mga mananamba niya, pinoprotektahan at ginagabayan niya sila, at tinutulungang magtagumpay. (Kawikaan 10:22) Sa Bilang 6:24-26, ginamit ang mga salitang “ka” at “iyo.” Ipinapakita nito na gusto ng Diyos na pagpalain, hindi lang ang buong bansang Israel, kundi pati ang bawat Israelita.

 “Pasinagin nawa ni Jehova sa iyo ang kaniyang mukha, at pagpakitaan ka nawa niya ng pabor.” Kapag hiniling ng isa na ‘pasinagin ni Jehova ang Kaniyang mukha’ sa isang tao, hinihiling niya na sang-ayunan ng Diyos at pagpakitaan ng pabor ang taong iyon. b Ipinapakita naman ni Jehova na sinasang-ayunan niya ang bayan niya sa pamamagitan ng pagiging mabuti, mapagmalasakit, at maawain sa kanila.—Isaias 30:18.

 “Iharap nawa ni Jehova c sa iyo ang kaniyang mukha at bigyan ka ng kapayapaan.” Kapag ‘inihaharap ni Jehova ang kaniyang mukha’ sa mga mananamba niya, ipinaparamdam niya na mahalaga at mahal niya sila. Binibigyan din niya sila ng kapayapaan. Sinasabi ng isang reperensiya: “Ang Hebreong salita para sa kapayapaan (shalom) ay hindi lang tungkol sa mapayapang kaugnayan sa iba. Kasama rito ang pagkakaroon ng maayos na pisikal na kalusugan at magandang kaugnayan sa Diyos.”

 Para tanggapin ng mga Israelita ang pagpapalang binanggit sa mga teksto, kailangan nilang sundin si Jehova. (Levitico 26:3-6, 9) At kapag ginagawa nila iyon, tinutupad ni Jehova ang pangako niya. Kitang-kita ito noong panahon ng ilang mga hari, gaya nina Solomon at Hezekias.—1 Hari 4:20, 25; 2 Cronica 31:9, 10.

 Sa ngayon, hindi kailangang sabihin nang eksakto ng mga Kristiyano ang pagpapalang ito. Pero puwede nilang sabihin ang pinakaideya ng mga tekstong ito kapag nananalangin sila o pinapatibay nila ang iba. (1 Tesalonica 5:11, 25) Hindi nagbabago si Jehova. Gusto niya na laging pagpalain at ingatan ang tapat na mga lingkod niya. Dahil alam ng tunay na mga Kristiyano na pinapasinag ni Jehova ang “mukha” niya sa kanila, payapa sila.

Konteksto ng Bilang 6:24-26

 Mababasa sa unang sampung kabanata ng aklat ng Bilang ang mga utos ng Diyos sa mga Israelita noong nagkakampo sila malapit sa Bundok Sinai papuntang Lupang Pangako. Noong halos isang taon silang nagkampo, inorganisa ni Jehova ang bansang Israel at ibinigay sa kanila ang mga utos na naging tipang Kautusan.

 Sinabi rin ni Jehova kay Moises kung paano dapat pagpalain ni Aaron at ng mga anak niya—ang mga piniling maging saserdote—ang mga Israelita. (Bilang 6:22, 23) Kaya ginamit ni Aaron at ng mga inapo niya ang mga salita sa Bilang 6:24-26 para pagpalain ang bansa. Sa paglipas ng panahon, naging tradisyon nang bigkasin ng isang saserdote ang pagpapalang ito pagkatapos maihain sa bawat araw ang huling handog sa templo.

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Bilang.

a Ang Jehova ay galing sa karaniwang salin sa English ng personal na pangalan ng Diyos sa wikang Hebreo. Para malaman kung bakit ginagamit ng maraming translation ng Bibliya ang titulong Panginoon kaysa sa personal na pangalan ng Diyos, tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?

b Sinasabi naman ng Bibliya na itinatago ni Jehova ang mukha niya sa mga Israelita kapag hindi siya sang-ayon sa mga ginagawa nila.—Isaias 59:2; Mikas 3:4.

c Ayon sa NIV Study Bible, ang paulit-ulit na paggamit sa pangalan ng Diyos sa mga tekstong ito ay “pagdiriin sa sinasabi sa [talata 27].” Sinasabi naman ng ilan na sinusuportahan daw ng tatlong paglitaw ng pangalan ng Diyos sa mga tekstong ito ang turo ng Trinidad. Pero iba ang sinasabi ng isang komentaryo ng Bibliya na sumusuporta sa turo ng Trinidad. Inamin nito na sa tatlong beses na paggamit sa pangalan ng Diyos, “hindi man lang maiisip ng saserdoteng nagbibigay, o ng mga taong tumatanggap, ng pagpapala ang gayong ideya. Para sa kanila, ang tatlong pag-uulit na ito ay nagdadagdag lang ng ganda at pagdiriin sa pagpapala.” (The Pulpit Commentary, Volume 2, pahina 52) Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Trinidad Ba ang Diyos?”