PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Exodo 20:12—“Parangalan Mo ang Iyong Ama at Ina”
“Parangalan mo ang iyong ama at ina para mabuhay ka nang mahaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ni Jehova na iyong Diyos.”—Exodo 20:12, Bagong Sanlibutang Salin.
“Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, upang ang iyong mga araw ay humaba sa lupaing ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos.”—Exodo 20:12, Ang Biblia.
Ibig Sabihin ng Exodo 20:12
Iniutos ng Diyos sa sinaunang Israel na parangalan ang kanilang mga magulang. Dinagdagan niya ng pangako ang utos na iyan, kaya mas mapapasigla silang sumunod. Hindi na kailangang sundin ng mga Kristiyano sa ngayon ang Kautusang Mosaiko, o ang Kautusan na ibinigay ng Diyos sa mga Israelita, pero hindi pa rin nagbabago ang mga pamantayan ng Diyos. Ang mga prinsipyo na makikita sa Kautusan ng Diyos ay magagamit pa rin sa ngayon, kaya mahalaga ito sa mga Kristiyano.—Colosas 3:20.
Napaparangalan ng mga anak—bata man o matanda—ang kanilang mga magulang kapag iginagalang at sinusunod nila ang mga ito. (Levitico 19:3; Kawikaan 1:8) Kahit may sariling pamilya na ang mga anak, mahal pa rin nila at tinutulungan ang mga magulang nila. Halimbawa, tinitiyak nila na naaalagaan ang kanilang may-edad nang mga magulang, at nagbibigay pa nga sila ng materyal na tulong kung kailangan.—Mateo 15:4-6; 1 Timoteo 5:4, 8.
Pansinin na kailangang parangalan ng mga anak na Israelita ang kanilang ama at ina. Ipinapakita nito na mahalaga ang papel ng ina sa pamilya. (Kawikaan 6:20; 19:26) Iyan din ang dapat gawin ng mga anak sa ngayon.
Ang utos na parangalan ang mga magulang ay laging may limitasyon. Hindi sinusunod ng mga anak na Israelita ang kanilang mga magulang, o ang iba pang tao, kung masusuway naman nila ang Diyos. (Deuteronomio 13:6-8) Ang mga Kristiyano rin sa ngayon ay dapat na ‘sumunod sa Diyos bilang tagapamahala sa halip na sa mga tao.’—Gawa 5:29.
Sa Kautusang ibinigay ng Diyos sa Israel, ipinangako niya na ang mga anak na magpaparangal sa mga magulang nila ay ‘mabubuhay nang mahaba at mapapabuti’ sa lupaing ibibigay sa kanila ng Diyos. (Deuteronomio 5:16) Hindi nila mararanasan ang parusang ibinibigay sa malalaki nang anak na bumabale-wala sa utos ng Diyos at nagrerebelde sa mga magulang. (Deuteronomio 21:18-21) Hindi pa rin nagbabago ang mga prinsipyo sa mga utos na iyon. (Efeso 6:1-3) Bata man tayo o matanda, mananagot tayo sa ating Maylalang. At gaya ng ipinangako niya, ang mga anak na sumusunod sa kaniya at sa mga magulang nila ay magkakaroon ng mahabang buhay. Sa katunayan, may pag-asa silang mabuhay magpakailanman.—1 Timoteo 4:8; 6:18, 19.
Konteksto ng Exodo 20:12
Kung papansinin natin ang puwesto ng utos na ito sa Sampung Utos, o Sampung Salita, may matututuhan tayo. (Exodo 20:1-17) Ang mga utos bago nito ay tungkol sa mga obligasyon ng mga Israelita sa Diyos, gaya ng utos na siya lang ang dapat nilang sambahin. Ang mga utos naman pagkatapos nito ay tungkol sa mga obligasyon nila sa kanilang kapuwa, gaya ng utos na maging tapat sa asawa at huwag magnakaw. Kaya tama lang na nasa gitna ng dalawang grupo ng utos na ito ang utos na “parangalan ... ang iyong ama at ina,” dahil pagtupad ito sa obligasyon sa Diyos at sa mga tao.
Basahin ang Exodo kabanata 20, pati na ang mga talababa at cross-reference.