Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Filipos 4:13—“Lahat ng Bagay ay Magagawa Ko Dahil kay Cristo”

Filipos 4:13—“Lahat ng Bagay ay Magagawa Ko Dahil kay Cristo”

 “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:13, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Lahat ng bagay ay magagawa ko dahil kay Cristo na nagpapalakas sa akin.”—Filipos 4:13, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

Ibig Sabihin ng Filipos 4:13

 Tinitiyak ng pananalitang ito, na isinulat ni apostol Pablo, na tatanggap ng kapangyarihan ang mga mananamba ng Diyos para magawa nila ang kalooban Niya.

 Sinasabi ng ilang salin ng Bibliya na si Kristo ang nagbibigay ng kapangyarihan kay Pablo. Pero ang salitang “Cristo” ay hindi lumitaw sa tekstong ito sa pinakamatatandang manuskritong Griego. Kaya maraming makabagong salin ang gumamit ng pananalitang “sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin” (Bagong Sanlibutang Salin), “doon sa nagpapalakas sa akin” (Ang Biblia), at “sa tulong ng nagpapalakas sa akin” (Biblia ng Sambayanang Pilipino). Kaya sino ang tinutukoy ni Pablo?

 Ipinapakita ng konteksto na ang tinutukoy ni Pablo ay ang Diyos. (Filipos 4:6, 7, 10) Sa mas naunang kabanata, isinulat ni Pablo sa mga taga-Filipos: “Pinasisigla kayo ng Diyos at ibinibigay sa inyo ang . . . lakas para kumilos kayo.” (Filipos 2:13) At sa 2 Corinto 4:7, isinulat niya na ang Diyos ang nagbibigay sa kaniya ng lakas para magawa niya ang kaniyang ministeryo. (Ihambing ang 2 Timoteo 1:8.) Kaya masasabing ang Diyos ang tinutukoy ni Pablo na “nagbibigay ng kapangyarihan sa [kaniya].”

 Ano naman ang ibig sabihin ni Pablo nang isulat niya na tatanggap siya ng lakas na harapin ang “anumang bagay”? Tinutukoy ni Pablo ang iba’t ibang kalagayang naranasan niya sa paggawa ng kalooban ng Diyos. Sagana man siya sa materyal o kapos, nagtitiwala siyang pangangalagaan siya ng Diyos. Kaya natuto si Pablo na maging kontento anuman ang kalagayan niya.—2 Corinto 11:23-27; Filipos 4:11.

 Mapapatibay ng mga sinabi ni Pablo ang mga mananamba ng Diyos ngayon. Bibigyan sila ng Diyos ng lakas na kailangan nila para matiis ang mga pagsubok at magawa ang kalooban niya. Mapapalakas sila ng Diyos gamit ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa. Ginagamit din niya ang mga kapuwa nila mananamba at ang kaniyang Salita, ang Bibliya.—Lucas 11:13; Gawa 14:21, 22; Hebreo 4:12.

Konteksto ng Filipos 4:13

 Ang mga sinabing ito ni Pablo ay kasama sa liham niya sa mga Kristiyano sa Filipos. Isinulat niya ang liham na iyon noong mga 60-61 C.E., noong unang beses siyang mabilanggo sa Roma. May panahon na hindi natulungan ng mga Kristiyano sa Filipos si apostol Pablo sa materyal na paraan. Pero ngayon, nakakapagpadala na sila ng tulong para sa pangangailangan ni Pablo.—Filipos 4:10, 14.

 Pinuri ni Pablo ang mga Kristiyano sa Filipos dahil bukas-palad sila at sinabing nasa kaniya na ang lahat ng kailangan niya. (Filipos 4:18) Ginamit din niya ang pagkakataong ito para masabi sa kanila ang sekreto kung paano dapat mamuhay ang isang Kristiyano: Mayaman man o mahirap, lahat ng Kristiyano ay magiging kontento kung sa Diyos sila aasa.—Filipos 4:12.