PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Filipos 4:6, 7—“Huwag Kayong Mabalisa Tungkol sa Anumang Bagay”
“Huwag kayong mag-alala sa anumang bagay; sa halip, ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo sa pamamagitan ng panalangin at pagsusumamo na may kasamang pasasalamat; at ang kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan ang magbabantay sa inyong puso at isip sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7, Bagong Sanlibutang Salin.
“Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay. Sa halip, idulog ninyo sa Dios ang lahat ng bagay sa pamamagitan ng panalangin at pagsamong may pasasalamat. At ang kapayapaan ng Dios na di masayod ng pang-unawa, ang mag-iingat sa inyong mga puso’t pag-iisip kay Cristo Jesus.”—Filipos 4:6, 7, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ibig Sabihin ng Filipos 4:6, 7
Ang mga mananamba ng Diyos na sobrang nag-aalala ay magiginhawahan kapag nanalangin sila sa kaniya. Nangangako siyang bibigyan niya sila ng kapayapaan ng isip para makayanan nila ang sitwasyon, makapag-isip sila nang maayos, at hindi sila sobrang mag-alala. Sinasabi sa talata 6 ang iba’t ibang klase ng panalangin.
Ang pagsusumamo ay ang pagmamakaawa sa Diyos para sa tulong. Puwedeng magsumamo ang isang tao sa Diyos kapag nakakaranas siya ng matinding problema o pagsubok, gaya ng ginawa ni Jesus. (Hebreo 5:7) Kadalasan nang paulit-ulit na ginagawa ang panalanging ito.
Ang pakiusap ay espesipikong paghiling sa Diyos. Puwedeng makiusap ang mga mananamba niya para sa “anumang bagay” o anumang sitwasyon. Pero dapat na kaayon ito ng kalooban ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.—1 Juan 5:14.
Sa panalangin ng pasasalamat, sinasabi natin sa Diyos na pinapahalagahan natin ang lahat ng ginawa niya at gagawin niya para sa atin. Kapag nakapokus tayo sa mga bagay na ipinagpapasalamat natin sa Diyos, nagiging mas masaya tayo.—1 Tesalonica 5:16-18.
Kapag nanalangin tayo sa ganiyang mga paraan, bibigyan tayo ng Diyos ng kapayapaan. Tumutukoy ang “kapayapaan ng Diyos” sa kapanatagang nararamdaman natin dahil sa malapít na kaugnayan sa kaniya. (Roma 15:13; Filipos 4:9) Ang kapayapaang ito ay “nakahihigit sa lahat ng kaisipan” dahil galing ito sa Diyos at matutulungan tayo nito nang higit pa sa inaasahan natin.
Sinasabi sa tekstong ito na kayang bantayan ng kapayapaan ng Diyos ang ating puso. Ang salitang Griego na isinaling “magbabantay” ay may kaugnayan sa isang terminong militar na ginagamit para ilarawan ang ginagawa ng mga sundalo para bantayan ang isang napapaderang lunsod. Ganiyan din ang nagagawa ng kapayapaan ng Diyos. Binabantayan nito ang emosyon at pag-iisip ng isang tao para makayanan niya ang mga problema.
Nangyayari ito “sa pamamagitan ni Kristo Jesus” dahil kung hindi dahil kay Jesus, hindi tayo puwedeng magkaroon ng kaugnayan sa Diyos. Ibinigay ni Jesus ang buhay niya bilang haing pantubos para sa mga kasalanan natin. Kung mananampalataya tayo sa kaniya, pagpapalain tayo ng Diyos. (Hebreo 11:6) Si Jesus din ang daan para makalapit sa Diyos. Sinabi ni Jesus: “Walang sinumang makalalapit sa Ama kundi sa pamamagitan ko.”—Juan 14:6; 16:23.
Konteksto ng Filipos 4:6, 7
Ang aklat ng Filipos ay isang liham ni apostol Pablo sa mga Kristiyanong nakatira sa lunsod ng Filipos. a Sa tinatawag ngayong kabanata 4 ng aklat na ito, pinasigla ni Pablo ang mga kapatid sa kongregasyon doon na magsaya, at pinasalamatan niya sila sa kanilang pagkabukas-palad, na nagpasaya sa kaniya. (Filipos 4:4, 10, 18) Ipinakita niyang makakatulong ang panalangin para matanggap ang kapayapaan ng Diyos, at sinabi niya ang mga dapat nating pag-isipan at gawin para matanggap ang tulong ng “Diyos ng kapayapaan.”—Filipos 4:8, 9.
a Makikita ngayon sa Greece.