PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Gawa 1:8—“Tatanggap Kayo ng Kapangyarihan”
“Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at magiging mga saksi ko kayo sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8, Bagong Sanlibutang Salin.
“Subalit tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo’y magiging mga saksi ko sa Jerusalem, sa buong Judea at sa Samaria, at hanggang sa dulo ng daigdig.”—Gawa 1:8, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Gawa 1:8
Ipinangako ni Jesus sa mga tagasunod niya na papalakasin sila ng banal na espiritu para makapangaral sila sa pinakamalalayong lugar sa mundo.
“Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu.” Inulit ni Jesus ang pangako niya noon sa mga alagad niya na tatanggap at tutulungan sila ng espiritu ng Diyos a pagbalik niya sa langit. (Juan 14:16, 26) Sampung araw pagbalik ni Jesus sa langit noong 33 C.E., natanggap ng mga tagasunod niya ang ipinangakong banal na espiritu. (Gawa 2:1-4) Dahil sa banal na espiritu ng Diyos, nakapagsalita sila ng iba’t ibang wika, nakagawa ng mga himala, at naipangaral nila nang may lakas ng loob ang paniniwala nila kay Jesus.—Gawa 3:1-8; 4:33; 6:8-10; 14:3, 8-10.
“Magiging mga saksi ko kayo.” Ang salitang isinalin na “saksi” ay nangangahulugang “isa na tumetestigo” o “nagpapatunay sa isang bagay” na nakita o naranasan niya. Dahil nakita mismo ng mga apostol ang naging buhay ni Jesus, kayang-kaya nilang patunayan ang mga nangyari noong nangangaral si Jesus, pati na noong mamatay siya at buhaying muli. (Gawa 2:32; 3:15; 5:32; 10:39) At dahil sa mga patotoo ng mga apostol, marami ang naniwala na si Jesus ang Kristo, ang ipinangakong Mesiyas. (Gawa 2:32-36, 41) Naging saksi ni Jesus ang mga naniwala sa mga apostol, at ipinangaral din nila kung bakit nabuhay, namatay, at binuhay-muli si Jesus.—Gawa 17:2, 3; 18:5.
“Hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” Puwede rin itong isalin na “hanggang sa pinakadulo ng lupa” o “hanggang sa ibang mga bansa.” Sinasabi rito ni Jesus kung hanggang saan mangangaral ang mga tagasunod niya. Sinabi niya na lalampas sila ng Judea at Samaria para ipangaral ang mga natutuhan nila. Mas malawak pa nga ang magiging teritoryo nila at mas marami silang mapapangaralan kumpara kay Jesus. (Mateo 28:19; Juan 14:12) Wala pang 30 taon mula nang sabihin ito ni Jesus, isinulat ni apostol Pablo na ang mabuting balita tungkol kay Jesus ay “ipinangangaral [na] sa lahat ng nilalang sa buong lupa,” pati na sa malalayong lugar gaya ng Roma, Parthia (southeast ng Caspian Sea), at North Africa.—Colosas 1:23; Gawa 2:5, 9-11.
Konteksto ng Gawa 1:8
Nagsimula ang aklat ng Gawa sa mga huling pangyayari na mababasa sa Ebanghelyo ni Lucas. (Lucas 24:44-49; Gawa 1:4, 5) Binanggit ng manunulat ng aklat na ito, si Lucas, kung paano nagpakita si Jesus sa mga tagasunod niya pagkatapos siyang buhaying muli. (Gawa 1:1-3) Pagkatapos, binanggit din niya kung paano naitatag ang Kristiyanong kongregasyon at kung paano ito dumami mula 33 C.E. hanggang noong mga 61 C.E.—Gawa 11:26.
Sa konteksto ng Gawa 1:8, iniisip ng mga tagasunod ni Jesus kung magiging Hari na ng Kaharian ng Diyos si Jesus sa panahong iyon. (Gawa 1:6) Sinagot sila ni Jesus, at sinabi niyang hindi nila dapat sobrang pag-isipan kung kailan darating ang Kaharian. (Gawa 1:7) Sinabi niya na dapat silang magpokus sa pangangaral tungkol sa kaniya “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Iyan din ang ginagawa ng mga Kristiyano ngayon. Masipag silang nangangaral ng mabuting balita tungkol sa Kaharian ng Diyos.—Mateo 24:14.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Gawa.
a Ang banal na espiritu ng Diyos ay ang aktibong puwersa, o kapangyarihang ginagamit ng Diyos. (Genesis 1:2) Tingnan ang artikulong “Ano ang Banal na Espiritu?”