PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Genesis 1:26—“Lalangin Natin ang Tao Ayon sa Ating Larawan”
“Pagkatapos, sinabi ng Diyos: ‘Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis, at sila ang mamamahala sa mga isda sa dagat at sa lumilipad na mga nilalang sa langit at sa maaamong hayop at sa bawat gumagapang na hayop sa ibabaw ng lupa, at pangangalagaan nila ang buong lupa.’”—Genesis 1:26, Bagong Sanlibutang Salin.
“Pagkatapos, sinabi ng Dios, ‘Lalangin natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis. Sila ang mamamahala sa mga isda sa dagat at mga ibon sa himpapawid, sa lahat ng hayop na maamo, at sa lahat ng mga nilikhang naglipana sa ibabaw ng lupa.’”—Genesis 1:26, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ibig Sabihin ng Genesis 1:26
Nilalang ang tao ayon sa larawan ng Diyos, ibig sabihin, kaya nilang magkaroon o magpakita ng mga katangiang mayroon ang Diyos, gaya ng pag-ibig, empatiya, at katarungan. Kaya ipinapakita nito na posibleng matularan ng mga tao ang Diyos.
“Sinabi ng Diyos: ‘Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan.’” Bago lalangin ng Diyos na Jehova a ang sinuman o anuman, isang makapangyarihang espiritung nilalang muna ang ginawa niya. Nakilala siya bilang si Jesus, at sa pamamagitan niya, “nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa.” (Colosas 1:16) Kitang-kita kay Jesus ang mga katangian ni Jehova—“siya ang larawan ng di-nakikitang Diyos.” (Colosas 1:15) Kaya masasabi talaga ni Jehova kay Jesus: “Gawin natin ang tao ayon sa ating larawan.”
“Sila ang mamamahala . . . sa maaamong hayop . . . at pangangalagaan nila ang buong lupa.” Hindi nilalang ang mga hayop ayon sa larawan ng Diyos. Hindi sila dinisenyo na magpakita ng mga katangiang naipapakita ng mga tao, gaya ng pag-ibig o magkaroon ng konsensiya. Pero gusto ng Diyos na maalagaan ang mga hayop. Kaya sinabi niyang “mamamahala” ang mga tao sa mga ito. Ipinagkatiwala ni Jehova sa tao ang pangangalaga sa mga hayop. (Awit 8:6-8; Kawikaan 12:10) Inaasahan ni Jehova na aalagaang mabuti ng mga tao ang lupa at ang lahat ng nabubuhay dito.
Konteksto ng Genesis 1:26
Sa unang dalawang kabanata ng Genesis, binabanggit kung paano nilalang ang uniberso, planeta natin, at ang mga nabubuhay sa lupa. Napakaganda ng lahat ng ginawa ni Jehova, pero mga tao ang pinakakahanga-hanga sa mga ginawa niya sa lupa. Nang matapos niya ang paglalang, “nakita ng Diyos ang lahat ng ginawa niya, at iyon ay napakabuti.”—Genesis 1:31.
Panoorin ang maikling video na ito para matuto pa nang higit tungkol sa paglalang na nasa aklat ng Genesis.
Mga Maling Akala Tungkol sa Genesis 1:26
Maling akala: Mga lalaki lang—hindi mga babae—ang may kakayahang tularan o ipakita ang mga katangian ng Diyos.
Ang totoo: Sa maraming translation ng Bibliya sa English, ginamit ang salitang English na “man” sa tekstong ito. Dahil diyan, baka maisip ng ilang mambabasa na mga lalaki lang ang tinutukoy dito. Pero sa konteksto, ang orihinal na salitang Hebreo ay tumutukoy sa lahat ng tao—lalaki at babae. Pareho nilang puwedeng ipakita ang mga katangian ng Diyos. Pareho din silang puwedeng makatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos at ng buhay na walang hanggan.—Juan 3:16.
Maling akala: Ang Diyos ay may katawang pisikal na gaya ng sa atin.
Ang totoo: “Ang Diyos ay Espiritu”—kaya hindi siya nakatira sa pisikal na uniberso. (Juan 4:24) Totoo, sinasabi sa Bibliya kung minsan na may mukha siya, kamay, puso, at iba pa. Pero ginagamit lang ito sa Bibliya para ituro sa atin ang tungkol sa Diyos sa paraang maiintindihan nating mga tao.—Exodo 15:6; 1 Pedro 3:12.
Maling akala: Pinapatunayan ng Genesis 1:26 na si Jesus ang Diyos.
Ang totoo: Napakalapít ng kaugnayan ng Diyos at ni Jesus bilang mag-ama, pero hindi sila iisang persona. Sinabi ni Jesus na mas dakila sa kaniya ang Diyos. (Juan 14:28) Para sa higit pang impormasyon, panoorin ang video na Si Jesu-Kristo Ba ang Diyos? o basahin ang artikulong “Bakit Tinawag na Anak ng Diyos si Jesus?”
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Genesis.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”