PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Isaias 40:31—“Ang mga Umaasa kay Jehova ay Muling Lalakas”
“Pero ang mga umaasa kay Jehova ay muling lalakas. Lilipad sila nang mataas na para bang may mga pakpak gaya ng agila. Tatakbo sila at hindi manlulupaypay; lalakad sila at hindi mapapagod.”—Isaias 40:31, Bagong Sanlibutang Salin.
“Ngunit muling lumalakas at sumisigla ang nagtitiwala kay Yahweh. Lilipad silang tulad ng mga agila. Sila’y tatakbo ngunit hindi mapapagod, sila’y lalakad ngunit hindi manghihina.”—Isaias 40:31, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Isaias 40:31
Tinitiyak ng Diyos na Jehova a sa mga mananamba niya na bibigyan niya sila ng lakas na kailangan nila para malampasan o matiis ang anumang problema.
“Ang mga umaasa kay Jehova ay muling lalakas.” Ang mga umaasa, o nagtitiwala, sa kakayahan at kagustuhan ng Diyos na tumulong sa mga lingkod niya ay makakatiyak na susuportahan niya sila. (Kawikaan 3:5, 6) Ang isang ginagamit ng Diyos para palakasin ang mga lingkod niya ay ang kaniyang banal na espiritu, o aktibong puwersa.—Lucas 11:13.
“Lilipad sila nang mataas na para bang may mga pakpak gaya ng agila.” Ipinapakita ng mga salitang iyan kung ano ang epekto ng kapangyarihan ng Diyos sa isang tao. Para makalipad, ang isang agila ay umaasa sa umaangat na mainit na hangin, na tinatawag na mga thermal. Kapag nakahanap ng thermal ang isang agila, ibubuka niya ang mga pakpak niya at magpapaikot-ikot siya sa loob ng thermal kaya aangat siya nang aangat. Magpapalipat-lipat siya ng thermal. Sa ganitong paraan, kaya niyang tumagal nang maraming oras sa ere nang hindi masyadong napapagod.
“Tatakbo sila at hindi manlulupaypay.” Nakakapagod sa pisikal at emosyonal ang mga problema sa buhay, pero nakakapagtiis tayo dahil sa kapangyarihang ibinibigay ng Diyos. Mapapalakas tayo nito na gawin ang tama kahit napakahirap ng sitwasyon. Sinabi ni apostol Pablo, na dumanas ng mahihirap na pagsubok: “May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.”—Filipos 4:13.
Konteksto ng Isaias 40:31
Ipinasulat ng Diyos kay propeta Isaias ang mga salitang iyan noong ikawalong siglo B.C.E. Para sa lahat ng tapat na lingkod ng Diyos ang tekstong ito. Pero posibleng ipinasulat ito ni Jehova para patibayin ang mga Judiong magiging tapon sa Babilonya sa loob ng 70 taon. Nang bumalik ang mga Judio sa bayan nila, nakita nila ang katuparan ng mga sinabi ng Diyos. (Isaias 40:1-3) Binigyan sila ng Diyos ng lakas na matapos ang mahaba at mahirap na paglalakbay na iyon b mula Babilonya hanggang Jerusalem noong 537 B.C.E.—Isaias 40:29.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.
b Ang dinaanang ruta ng mga tapon ay malamang na may haba na mga 1,600 kilometro.