Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Isaias 42:8—“Ako ang PANGINOON”

Isaias 42:8—“Ako ang PANGINOON”

 “Ako si Jehova. Iyan ang pangalan ko; hindi ko ibibigay kahit kanino ang kaluwalhatian ko, at hindi ko ibibigay sa mga inukit na imahen ang papuri para sa akin.”—Isaias 42:8, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Ako ang PANGINOON; ito ang aking pangalan! Hindi ko ibibigay sa iba ang aking kaluwalhatian o ang aking kapurihan sa mga dios-diosan.”—Isaias 42:8, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

Ibig Sabihin ng Isaias 42:8

 Ipinapaalám sa atin ng Diyos ang personal na pangalan niya. Sinasabi rin niya na hindi niya ibibigay sa mga idolo ang papuri o kaluwalhatian na para sa kaniya.

 Ang Diyos mismo ang pumili ng pangalang ito, na karaniwang isinasaling “Jehova” sa Tagalog. a (Exodo 3:14, 15) Halos 7,000 beses lumitaw ang pangalan ng Diyos sa Lumang Tipan (o Kasulatang Hebreo-​Aramaiko), pero pinalitan ito sa maraming salin ng titulong “PANGINOON” (na nasa malalaking titik). Ang isang halimbawa ay ang Awit 110:1, kung saan parehong tinukoy si Jehova at si Jesus. Ganito ang sabi sa Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino: “Sinabi ng PANGINOON [ni Jehova] sa aking Panginoon [kay Jesus].” (Gawa 2:34-36) Sa Bagong Sanlibutang Salin naman, inilagay ang pangalan ng Diyos sa tamang puwesto nito kaya hindi malilito ang mambabasa kung sino ang tinutukoy sa dalawang “Panginoon.” Mababasa dito: “Sinabi ni Jehova sa Panginoon ko: ‘Umupo ka sa kanan ko hanggang sa ang mga kaaway mo ay gawin kong tuntungan ng mga paa mo.’”

 Naniniwala ang maraming iskolar na ang ibig sabihin ng pangalan ng Diyos ay “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Ang tunay na Diyos lang ang puwedeng gumamit ng pangalang iyan, dahil siya lang ang may kakayahang maging anuman o gawing anuman ang mga nilalang niya para matupad ang layunin niya.

 Dahil si Jehova ang ating Maylalang at ang tanging tunay na Diyos, dapat nating ibigay sa kaniya ang ating bukod-tanging debosyon. Walang sinuman o anuman, gaya ng mga idolo at imahen, ang karapat-dapat na tumanggap ng pagsamba natin.—Exodo 20:2-6; 34:14; 1 Juan 5:21.

Konteksto ng Isaias 42:8

 Sa mga unang talata ng Isaias kabanata 42, inihula ni Jehova ang gagawin ng kaniyang “pinili.” Sinabi ng Diyos na ang lingkod niya ay “magdadala . . . ng katarungan sa mga bansa.” (Isaias 42:1) Tungkol sa pangakong iyan, sinabi ng Diyos: “Inihahayag ko ngayon ang mga bagong bagay. Bago dumating ang mga iyon, sinasabi ko na iyon sa inyo.” (Isaias 42:9) Ang hula tungkol sa “pinili” ay dumating, o nangyari, makalipas ang daan-daang taon nang dumating ang Mesiyas, o Kristo, para isagawa ang kaniyang ministeryo sa lupa.—Mateo 3:16, 17; 12:15-21.

Iba Pang Salin ng Isaias 42:8

 “Ako si Yawe—ito ang aking Pangalan! Hindi ko ibibigay sa iba ang aking luwalhati, ni ang papuri sa akin sa mga diyus-diyusan.”—Biblia ng Sambayanang Pilipino.

a Sa wikang Hebreo, ang pangalan ng Diyos ay binubuo ng apat na katinig na madalas isulat sa English na YHWH. Sa ilang salin sa English, ginagamit nila ang pangalang “Yahweh.” Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang Apendise A4, “Ang Pangalan ng Diyos sa Hebreong Kasulatan,” ng edisyon sa pag-aaral ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan.