PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Jeremias 33:3—“Tumawag Ka sa Akin, at Sasagot Ako”
“Tumawag ka sa akin, at sasagot ako sa iyo at sasabihin ko sa iyo ang mga bagay na dakila at napakalalim at hindi mo pa alam.”—Jeremias 33:3, Bagong Sanlibutang Salin.
“Tawagin mo ako at sasagot ako. Ibubunyag ko sa iyo ang mga dakila at lihim na bagay na hindi mo alam.”—Jeremias 33:3, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Ibig Sabihin ng Jeremias 33:3
Nang sabihin ng Diyos ang mga salitang ito, iniimbitahan niya ang mga tao na manalangin sa kaniya. Kapag tinanggap nila ang imbitasyong ito at nanalangin sa kaniya, ipapaalam niya sa kanila ang mga mangyayari sa hinaharap.
“Tumawag ka sa akin, at sasagot ako sa iyo.” Ang pananalitang “tumawag ka sa akin” ay hindi lang basta pagtawag sa pangalan ng Diyos. Kasama rito ang pananalangin sa kaniya para sa tulong at gabay.—Awit 4:1; Jeremias 29:12.
Posibleng sinabi ito ng Diyos sa bansang Israel noon. Tumalikod kasi sila sa Diyos at pinagbabantaan ng Babilonya. (Jeremias 32:1, 2) Kaya sinabi ni Jehova a sa mga Israelita na bumalik at tumawag sila sa kaniya sa panalangin.
“Sasabihin ko sa iyo ang mga bagay na dakila at napakalalim at hindi mo pa alam.” Ang mga bagay na ipapaalam ng Diyos ay “napakalalim” (o hindi maiintindihan) dahil hindi ito mauunawaan ng mga tao sa sarili nilang pagsisikap. Ang pananalitang ‘mga bagay na napakalalim’ ay puwede ring isalin na “mga lihim na bagay.”
Anong “mga lihim na bagay” ang ipapaalam ng Diyos? Ang mga mangyayari pa lang noon—mawawasak ang lunsod ng Jerusalem at itatayong muli. (Jeremias 30:1-3; 33:4, 7, 8) Sinabi rin ng Diyos na hindi tuluyang malilipol ang mga mananamba niya.—Jeremias 32:36-38.
Konteksto ng Jeremias 33:3
Natanggap ni propeta Jeremias ang mensaheng ito ni Jehova noong 608 B.C.E. Ika-10 taon noon ng pamamahala ni Haring Zedekias. Inihula ni Jeremias na babagsak ang Jerusalem at gagawing bihag si Zedekias. Hindi nagustuhan ng hari ang mensahe kaya ipinabilanggo niya si Jeremias.—Jeremias 32:1-5; 33:1; 37:21.
Ito ang sitwasyon nang sabihin ng Diyos ang imbitasyon niya sa Jeremias 33:3. Kaya lang patuloy na nagrebelde si Haring Zedekias at ang karamihan sa Israel. (Jeremias 7:26; 25:4) Hindi sila tumawag sa Diyos para magpagabay. Pagkalipas ng isang taon, tuluyan nang naalis sa trono si Zedekias at nawasak ang Jerusalem. Karamihan sa nakaligtas ay binihag at dinala sa Babilonya.—Jeremias 39:1-7.
Ipinapaalala ng Jeremias 33:3 na kayang ipaalam ng Diyos ang “tumpak na kaalaman tungkol sa kaniyang kalooban” at ang “malalalim na bagay” sa mga nananalangin sa kaniya at nag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya. (Colosas 1:9; 1 Corinto 2:10) Kasama sa malalalim na bagay ang mga ipinangako ng Diyos na mangyayari sa hinaharap.—Apocalipsis 21:3, 4.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Jeremias.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”