PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Josue 1:9—“Huwag Kang Matatakot; Huwag Kang Masisindak”
“Hindi ba inutusan na kita? Lakasan mo ang loob mo at magpakatatag ka. Huwag kang masindak o matakot, dahil kasama mo si Jehova na iyong Diyos saan ka man magpunta.”—Josue 1:9, Bagong Sanlibutang Salin.
“Alalahanin mo ang sabi ko sa iyo: huwag kang matatakot; huwag kang masisindak pagkat saan ka man magpunta, kasama mo ang PANGINOON mong Dios.”—Josue 1:9, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ibig Sabihin ng Josue 1:9
Sa mga salitang iyan, tiniyak ng Diyos na Jehova a sa tapat na lingkod niyang si Josue na magagawa niyang ‘lakasan ang loob niya at magpakatatag’ kahit may matitinding pagsubok. Walang dahilan para matakot si Josue sa mga puwedeng mangyari kung susundin niya ang mga utos ng Diyos, dahil para bang nasa tabi niya si Jehova na tumutulong sa kaniyang magtagumpay. Masasabing kasama ni Josue ang Diyos kasi pinapatnubayan siya ng Diyos, at tinutulungan siyang talunin ang mga kaaway niya.
Paano magagawa ni Josue na ‘lakasan ang loob niya at magpakatatag’? Puwede siyang mapatibay ng mga kasulatan mula kay Jehova na mayroon na noong panahong iyon. Kasama na riyan ang “buong Kautusan na ibinigay [kay Josue] ng lingkod [ni Jehova na] si Moises.” b (Josue 1:7) Sinabi ni Jehova kay Josue na ‘dapat niya itong basahin nang pabulong [“bulay-bulayin ito,” Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino] araw at gabi.’ (Josue 1:8) Natulungan si Josue ng pagbabasa niya at pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos para gawin ang kalooban ni Jehova. Pagkatapos, kailangang isabuhay ni Josue ang natutuhan niya para “masunod [niyang] mabuti ang lahat ng nakasulat dito.” Kung gagawin niya iyan, makakagawa siya ng matatalinong desisyon at magtatagumpay siya. At iyon nga ang nangyari. Kahit na marami siyang hinarap na problema, naging masaya ang buhay ni Josue bilang isang tapat na mananamba ni Jehova.—Josue 23:14; 24:15.
Nakakapagpatibay pa rin sa ngayon ang mga sinabi ni Jehova kay Josue. Patunay iyan na nagmamalasakit si Jehova sa lahat ng mananamba niya, lalo na kapag may mga problema sila. Gaya ni Josue, gusto Niya na magtagumpay rin ang mga lingkod Niya. ‘Lalakas din ang loob nila at tatatag sila’ kung regular nilang babasahin at bubulay-bulayin ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, at isasabuhay ang mga payo nito.
Konteksto ng Josue 1:9
Pagkamatay ni Moises, pinili ni Jehova si Josue para manguna sa bansang Israel. (Josue 1:1, 2) Noong panahong iyon, papasók na ang mga Israelita sa Lupang Pangako, ang lupain ng Canaan. Pero malalakas ang kalaban nila. Halimbawa, kinailangang makipagdigma ni Josue sa mga Canaanita na ubod ng sama. c (Deuteronomio 9:5; 20:17, 18) Mas marami ang mga Canaanita kaysa sa mga Israelita, at lamáng sila sa mga kagamitang pandigma. (Josue 9:1, 2; 17:18) Pero nilakasan ni Josue ang loob niya at sinunod si Jehova. At pinatunayan ng Diyos na kasama siya ni Josue, dahil natalo ng mga Israelita ang karamihan sa mga kaaway nila sa loob lang ng anim na taon.—Josue 21:43, 44.
a Ang pangalang Jehova ay isang salin sa wikang Tagalog ng pangalan ng Diyos sa wikang Hebreo—ang apat na letrang יהוה (YHWH), na kilalá bilang ang Tetragrammaton. Ang pangalang ito ay isinaling “PANGINOON” sa tekstong ito sa Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino. Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pangalang Jehova at kung bakit inalis ng ilang tagapagsalin ng Bibliya ang pangalang ito, tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”
b Malamang na kasama sa kasulatang meron si Josue ang mga aklat na isinulat ni Moises (Genesis, Exodo, Levitico, Bilang, at Deuteronomio), pati na ang aklat ng Job, at isa o dalawang awit. Mababasa rin natin ang mga iyan sa Bibliya.
c Para malaman kung bakit pinahintulutan ang ganoong digmaan, tingnan ang artikulong “Bakit Nakipagdigma ang Diyos sa mga Canaanita?” sa Enero 1, 2010, isyu ng Bantayan.