PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Juan 15:13—“Walang Pag-ibig na Higit Pang Dakila Kaysa Rito”
“Walang pag-ibig na hihigit pa kaysa sa pag-ibig ng isa na nagbibigay ng sarili niyang buhay para sa mga kaibigan niya.”—Juan 15:13, Bagong Sanlibutang Salin.
“Walang pag-ibig na higit pang dakila kaysa rito, na ialay ng isang tao ang kanyang buhay para sa kanyang mga kaibigan.”—Juan 15:13, Ang Biblia, Bagong Salin sa Pilipino.
Ibig sabihin ng Juan 15:13
Tinutulungan ni Jesus ang mga tagasunod niya na maunawaan na kapag napakatibay ng pag-ibig nila, handa silang mamatay para sa iba.
Bago nito, sinabi ni Jesus sa mga apostol niya: “Ito ang utos ko: Ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.” (Juan 15:12) Anong klaseng pag-ibig ang mayroon si Jesus para sa kanila? Hindi ito makasarili, kundi mapagsakripisyong pag-ibig. Noong nangangaral si Jesus sa lupa, inuna niya ang pangangailangan at kapakanan ng mga tagasunod niya at ng iba kaysa sa sarili niya. Pinagaling niya ang mga may sakit at tinuruan sila tungkol sa Kaharian ng Diyos. a Gumawa rin siya ng hamak na mga gawain para sa ikakabuti ng iba. (Mateo 9:35; Lucas 22:27; Juan 13:3-5) Pero nakakahigit ang pag-ibig na tinutukoy ni Jesus sa Juan 15:13. Sa katunayan, ilang oras lang pagkatapos niyang sabihin ang mga salitang ito, ipinakita niya ang nakakahigit na pag-ibig nang “ibigay [niya] ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28; 22:39) Kaya sa kahanga-hangang paraan, naipakita niya na talagang mas mahal niya ang iba kaysa sa sarili niya.
Mahal ni Jesus ang lahat ng tao. Pero mas mahal ni Jesus ang mga sumusunod sa mga turo niya. Itinuring ni Jesus ang mga tagasunod niya bilang malalapít na kaibigan niya dahil sumusunod sila sa mga tagubilin niya, at hindi nila siya iniwan sa panahon ng mga pagsubok. (Lucas 22:28; Juan 15:14, 15) At dahil dito, mas may dahilan siya para ibigay ang buhay niya para sa kanila.
Isinapuso ng mga Kristiyano noon ang mga salita ni Jesus kaya handa silang mamatay para sa isa’t isa. (1 Juan 3:16) Oo, di-makasariling pag-ibig ang ipinakita ni Jesus, at dito makikilala ang mga tunay na Kristiyano.—Juan 13:34, 35.
Konteksto ng Juan 15:13
Mababasa sa kabanata 13 hanggang 17 ng Ebanghelyo ni Juan ang huling payo ni Jesus para sa 11 tapat na apostol niya at ang huling panalangin niya kasama sila. Ilang oras lang pagkatapos nito, namatay siya. Sa kabanata 15, para maipakita ni Jesus sa mga alagad niya na dapat silang magkaisa para mapatunayang mga alagad niya sila, itinulad niya sila sa mga sanga ng isang punong ubas. Pinasigla niya sila na ‘patuloy na mamunga ng marami.’ (Juan 15:1-5, 8) Ang isang paraan para maipakita ang mapagsakripisyong pag-ibig nila ay ang pangangaral ng mensaheng ipinangaral ni Jesus—“ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.”—Lucas 4:43; Juan 15:10, 17.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Juan.
a Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyernong itinatag ng Diyos sa langit para gawin ang kalooban niya sa lupa. (Daniel 2:44; Mateo 6:9, 10) Para sa higit pang impormasyon, basahin ang artikulong “Ano ang Kaharian ng Diyos?”