Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Juan 16:33—“Napagtagumpayan Ko ang Mundo”

Juan 16:33—“Napagtagumpayan Ko ang Mundo”

 “Sinabi ko sa inyo ang mga ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa pamamagitan ko. Daranas kayo ng kapighatian sa sanlibutan, pero lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.”—Juan 16:33, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Sinabi ko sa inyo ang lahat ng ito upang sa akin kayo magkaroon ng kapayapaan. Kagipitan ang meron kayo sa mundo pero lakasan n’yo ang loob, napagtagumpayan ko ang mundo.”—Juan 16:33, Biblia ng Sambayanang Pilipino.

Ibig Sabihin ng Juan 16:33

 Sa mga salitang ito, tinitiyak ni Jesus sa mga tagasunod niya na makakaya din nilang mapasaya ang Diyos kahit may mga pagsubok at pag-uusig.

 “Sinabi ko sa inyo ang mga ito para magkaroon kayo ng kapayapaan sa pamamagitan ko.” a Ang sumunod na mga pangungusap ay nagpapakitang ang kapayapaang ito ay hindi nangangahulugang walang kaaway ang isa. Sa halip, tumutukoy ito sa kapayapaan ng puso at isip. Ang kapayapaang ito ay nagiging posible “sa pamamagitan” ni Jesus, na nangakong bibigyan ang mga alagad ng banal na espiritu. Dahil sa makapangyarihang “katulong” na ito, mapagtatagumpayan nila ang anumang pagsubok.—Juan 14:16, 26, 27.

 “Daranas kayo ng kapighatian sa sanlibutan, pero lakasan ninyo ang inyong loob!” Deretsahang sinabi ni Jesus na ang mga alagad niya ay daranas ng pagsubok, gaya ng kawalang-katarungan at pag-uusig. (Mateo 24:9; 2 Timoteo 3:12) Pero may dahilan sila para ‘lakasan ang loob nila,’ o ‘tibayan ang loob nila.’—Juan 16:33; Magandang Balita Biblia.

 “Dinaig ko ang sanlibutan.” Dito, ang salitang “sanlibutan” ay tumutukoy sa masamang lipunan ng mga tao na hiwalay sa Diyos. b Sinasabi ng 1 Juan 5:19: “Ang buong mundo ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng isa na masama,” o ni Satanas. Kaya ang mga taong bumubuo sa “sanlibutan” na ito ay nag-iisip at gumagawi sa paraang hindi gusto ng Diyos.—1 Juan 2:15-17.

 Sinubukan ni Satanas at ng sanlibutan niya na pigilan si Jesus sa paggawa ng kalooban ng Diyos, gaya ng pagtuturo sa mga tao tungkol sa Diyos at pagbibigay ng kaniyang perpektong buhay bilang pantubos. (Mateo 20:28; Lucas 4:13; Juan 18:37) Pero hindi hinayaan ni Jesus na maimpluwensiyahan ng sanlibutan ang kaisipan niya at ilayo siya nito mula sa Diyos. Nanatili siyang tapat hanggang kamatayan. Kaya talagang masasabi ni Jesus na dinaig niya ang sanlibutan, at na si Satanas, ang “tagapamahala ng mundo,” ay ‘walang kontrol’ sa kaniya.—Juan 14:30.

 Ipinakita mismo ni Jesus sa mga tagasunod niya na kaya rin nilang makapanatiling tapat sa Diyos kahit sinusubukan ni Satanas at ng sanlibutan nito na pigilan sila. Para bang sinasabi ni Jesus: “Kung kaya kong daigin ang sanlibutan, kaya n’yo rin ’yon.”

Konteksto ng Juan 16:33

 Sinabi ni Jesus ang mga salitang ito noong gabi bago siya mamatay. Dahil alam niyang mamamatay na siya, ginamit niya ang pagkakataong iyon para patibayin ang tapat niyang mga apostol. Sinabi niya sa kanila ang ilang mahahalagang bagay: Hindi na nila siya makikita at pag-uusigin sila, o papatayin pa nga. (Juan 15:20; 16:2, 10) Baka ikatakot ito ng mga apostol niya, kaya tinapos ni Jesus ang mga sinabi niya sa mga salitang nasa Juan 16:33 para patibayin sila at palakasin.

 Mapapatibay rin ng mga sinabi at halimbawa ni Jesus ang mga tagasunod niya ngayon. Ang lahat ng Kristiyano ay puwedeng makapanatiling tapat sa Diyos kahit may pagsubok.

a Ang pananalitang Griego na isinaling “sa pamamagitan ko” ay puwede ring isaling “habang kaisa ko kayo.” Nangangahulugan ito na puwedeng magkaroon ng kapayapaan ang mga alagad ni Jesus kung mananatili silang kaisa niya.

b Ganito rin ang kahulugan ng salitang “sanlibutan” sa Juan 15:19 at 2 Pedro 2:5.