Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Kawikaan 16:3—“Ipagtiwala Mo sa PANGINOON ang Anumang Iyong Gagawin”

Kawikaan 16:3—“Ipagtiwala Mo sa PANGINOON ang Anumang Iyong Gagawin”

 “Ipagkatiwala mo kay Jehova ang anumang gagawin mo, at magtatagumpay ang iyong mga plano.”—Kawikaan 16:3, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Ipagtiwala mo sa PANGINOON ang anumang iyong gagawin, at magtatagumpay ka sa ‘yong mga layunin.”—Kawikaan 16:3, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

Ibig Sabihin ng Kawikaan 16:3

 Sinisigurado ng kawikaang ito na magtatagumpay ang lahat ng plano ng mga sumasamba sa tunay na Diyos kung magtitiwala sila sa kaniya, aalamin nila at susundin ang gabay niya.

 “Ipagkatiwala mo kay Jehova ang anumang gagawin mo.” Bago gumawa ng mga desisyon, mapagpakumbabang humihingi ng gabay kay Jehova a ang lahat ng mananamba niya. (Santiago 1:5) Bakit? Kasi kadalasan nang hindi kontrolado ng mga tao ang nangyayari sa buhay nila. (Eclesiastes 9:11; Santiago 4:13-15) At kung minsan, hindi rin nila alam kung ano ang pinakamagandang gawin. Kaya marami ang humihingi ng tulong sa Diyos. Nananalangin sila at kumikilos ayon sa kalooban niya na mababasa sa Bibliya.—Kawikaan 3:5, 6; 2 Timoteo 3:16, 17.

 Ang pananalitang “ipagtiwala mo sa PANGINOON b ang anumang iyong gagawin” ay literal na nangangahulugang “igulong sa PANGINOON ang lahat ng ginagawa mo.” Ganito ang paliwanag ng isang reperensiya tungkol sa pananalitang ito: Para itong “isang tao na inililipat ang dala-dala niya sa isang mas malakas sa kaniya.” Kaya makakatiyak ang lahat ng umaasa sa Diyos na tutulungan niya sila.—Awit 37:5; 55:22.

 Ang pananalitang “anumang iyong gagawin” ay hindi nangangahulugan na sasang-ayunan o pagpapalain ng Diyos ang lahat ng gagawin ng isang tao. Para pagpalain ni Jehova, dapat na kaayon ito ng kalooban at pamantayan niya. (Awit 127:1; 1 Juan 5:14) Hindi pagpapalain ni Jehova ang mga sumusuway sa kaniya. Sa katunayan, “binibigo niya ang plano ng masasama.” (Awit 146:9) Pero kapag sinusunod ng mga tao ang pamantayan ni Jehova na nasa Bibliya, pagpapalain niya sila.—Awit 37:23.

 “At magtatagumpay ka sa ‘yong mga layunin.” Isinalin ito ng ilan na “ang iyong mga panukala ay matatatag.” Sa Hebreong Kasulatan, o sa tinatawag ng karamihan na Lumang Tipan, ang salitang isinalin sa Tagalog na “matatatag” ay nagpapahiwatig ng ideya ng paglalatag ng pundasyon, at karaniwan nang tumutukoy ito sa pagiging matatag ng mga gawa ng Diyos. (Kawikaan 3:19; Jeremias 10:12) Kaya gagawin din ng Diyos na matatag ang mga plano ng lahat ng sumusunod sa kaniya, at tutulungan niya sila na magkaroon ng panatag, matatag, at masayang buhay.—Awit 20:4; Kawikaan 12:3.

Konteksto ng Kawikaan 16:3

 Si Haring Solomon ang sumulat sa kawikaang ito, at siya ang sumulat ng karamihan sa aklat ng Kawikaan. Nagawa niya iyon dahil sa karunungang ibinigay ng Diyos.—1 Hari 4:29, 32; 10:23, 24.

 Sinimulan ni Solomon ang kabanata 16 sa pagpuri sa karunungan ng Diyos at ipinakita niyang galít si Jehova sa mga mapagmataas. (Kawikaan 16:1-5) Ipinapakita ng kabanatang ito ang isang mensahe na paulit-ulit nating mababasa sa aklat ng Kawikaan: Puwedeng maging marunong at matagumpay ang mga tao kung magiging mapagpakumbaba sila at susundin nila ang mga utos ng Diyos. (Kawikaan 16:3, 6-8, 18-23) Mababasa rin natin iyan sa ibang bahagi ng Bibliya.—Awit 1:1-3; Isaias 26:3; Jeremias 17:7, 8; 1 Juan 3:22.

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Kawikaan.

a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?

b Maraming salin ng Bibliya ang gumagamit ng “PANGINOON” (o “Panginoon”) kapalit ng pangalan ng Diyos. Para malaman kung bakit nakakalito ang pagpapalit na ito, tingnan ang artikulong “Isaias 42:8—‘Ako ang PANGINOON’” sa seryeng ito.