PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Kawikaan 22:6—“Turuan Mo ang Bata sa Daan na Dapat Niyang Lakaran”
“Sanayin mo ang bata sa landas na dapat niyang lakaran; kahit tumanda siya, hindi siya lilihis dito.”—Kawikaan 22:6, Bagong Sanlibutang Salin.
“Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at kung tumanda siya hindi niya ito hihiwalayan.”—Kawikaan 22:6, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.
Ibig Sabihin ng Kawikaan 22:6
Kapag tinuruan ng mga magulang ang mga anak nila na mahalin ang Diyos at sundin ang mga utos niya, siguradong may magandang epekto ito sa buhay ng mga anak nila.
“Sanayin mo ang bata sa landas na dapat niyang lakaran.” Ang pananalitang ito ay puwede ring isalin na “habang maliit pa, ituro mo na sa bata ang tamang daan.” Paulit-ulit na pinapayuhan ng aklat ng Kawikaan ang mga magulang na ituro sa mga anak nila ang tama at mali habang bata pa ang mga ito. (Kawikaan 19:18; 22:15; 29:15) Pero kinikilala ng mapagmahal na mga magulang ang kalayaan ng mga anak nila na magdesisyon para sa sarili nila. Kaya imbes na basta sabihin sa mga anak nila kung ano ang gagawin, ipinapaliwanag nila kung bakit iyon magandang gawin. Tutulong ito para maging mature ang mga anak nila at maging responsableng adulto na nakakapagdesisyon nang tama.—Deuteronomio 6:6, 7; Colosas 3:21.
Sinasabi ng ilang Bible scholar na ang pananalitang ito ay nangangahulugan na “sanayin ang bata ayon sa kung ano ang likas sa kaniya.” Parang tama naman ang sinasabi nila. Pero ang malamang na ibig sabihin ng Hebreong pananalitang “landas na dapat niyang lakaran” ay isang mabuti at matuwid na pamumuhay. Sa Kawikaan, may dalawang landas, o daan, na puwedeng lakaran ng isang tao. Ang isa ay tinatawag na “daan ng mabubuting tao,” “[daan ng] karunungan,” at “tamang daan.” (Kawikaan 2:20; 4:11; 23:19) Ang isa naman ay ang “daan ng masasama,” “[daan] ng mangmang,” at “maling daan.” (Kawikaan 4:14; 12:15; 16:29) Kaya ang daan na ‘dapat lakaran’ ng isang bata ay ang “tamang daan”—ang pamumuhay na itinuturo ng Salita ng Diyos, ang Bibliya.—Awit 119:105.
“Kahit tumanda siya, hindi siya lilihis dito.” Kapag itinuturo ng mga magulang sa anak nila ang mga pamantayan ng Diyos, mas malamang na manatili siya sa tamang daan. Pero hindi ibig sabihin nito na kapag naturuan ng tama ang isang bata, hinding-hindi na siya “lilihis” sa tamang daan o susuway sa mga utos ng Diyos. Halimbawa, kapag madalas na kasama ng isang tao ang masasama, posibleng iwan niya ang “matuwid na daan” at gawin ang mali. (Kawikaan 2:12-16; 1 Corinto 15:33) Pero tandaan, kapag tinuruan ng mga magulang ang anak nila na sumunod sa mga pamantayan ng Diyos, naibibigay nila ang pinakamagandang pagkakataon na magtagumpay ito sa buhay.—Kawikaan 2:1, 11.
Konteksto ng Kawikaan 22:6
Mababasa sa Kawikaan kabanata 22 ang mga karunungan ng Diyos na makakatulong sa iba’t ibang sitwasyon. Idinidiin ng mga ito na mahalaga ang isang mabuting reputasyon sa harap ni Jehova, a at magagawa ito ng isa kung mapagpakumbaba siya, bukas-palad, at masipag. (Kawikaan 22:1, 4, 9, 29) Ipinapakita naman ng ibang talata na daranas ng masasamang resulta ang mga taong hindi sumusunod sa mga pamantayan ng Diyos at nang-aapi sa mahihirap.—Kawikaan 22:8, 16, 22-27.
Hindi lahat ng talata sa Kawikaan kabanata 22 ay tungkol sa pagtuturo sa bata. Pero ipinapakita ng mga ito ang pamumuhay na nagpapasaya sa Diyos at may tunay na kaligayahan. (Kawikaan 22:17-19) Kapag itinuturo ito ng mga magulang sa anak nila, ibig sabihin, gusto nila na talagang mapabuti ang anak nila.—Efeso 6:1-3.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Kawikaan.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”