Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Mateo 6:33—“Hanapin Muna Ninyo ang Kanyang Kaharian”

Mateo 6:33—“Hanapin Muna Ninyo ang Kanyang Kaharian”

 “Kaya patuloy ninyong unahin ang Kaharian at ang katuwiran niya, at ibibigay niya sa inyo ang lahat ng ito.”—Mateo 6:33, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Datapuwat hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian at ang kanyang katuwiran, at ang mga bagay na ito’y idaragdag sa inyo.”—Mateo 6:33, Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino.

Ibig Sabihin ng Mateo 6:33

 Ang Kaharian ng Diyos ay isang gobyerno sa langit at gagawin nito ang kalooban ng Diyos dito sa lupa. (Mateo 6:9, 10) Masasabing inuuna ng isang tao ang Kaharian kung ito ang pinakamahalaga sa buhay niya. a Hindi lang niya gustong-gustong matuto tungkol sa Kaharian ng Diyos kundi sinasabi din niya sa iba ang magagandang bagay na gagawin nito sa hinaharap. (Mateo 24:14) Ipinapanalangin din niya na dumating na sana ang Kaharian.—Lucas 11:2.

 Kasama sa katuwiran ng Diyos ang pamantayan niya sa tama at maling paggawi. (Awit 119:172) Kaya inuuna ng isang tao ang katuwiran ng Diyos kung namumuhay siya ayon sa mga utos ng Diyos, na laging para sa ikabubuti natin.—Isaias 48:17.

 Ang pananalitang ibibigay niya sa inyo ang lahat ng ito ay isang pangako na paglalaanan ng Diyos ang mga taong inuuna ang kaniyang Kaharian at mga pamantayan.—Mateo 6:31, 32.

Konteksto ng Mateo 6:33

 Ang mga sinabing ito ni Jesus ay kasama sa kaniyang Sermon sa Bundok, na nakaulat sa Mateo kabanata 5-7. Siguradong marami sa mga tagapakinig ni Jesus ay mahihirap. Kaya baka iniisip nila na kailangan nilang unahin ang paghahanapbuhay kaysa sa Kaharian. Pero sinabi ni Jesus sa kanila na tingnan kung paano inaalagaan ng Diyos ang mga halaman at hayop. Nangangako ang Diyos na pangangalagaan din niya ang mga taong inuuna ang kaniyang Kaharian.—Mateo 6:25-30.

Mga Maling Akala Tungkol sa Mateo 6:33

 Maling akala: Kapag inuna ng isang tao ang Kaharian, yayaman siya.

 Ang totoo: Sinabi ni Jesus na ang mga umuuna sa Kaharian ng Diyos ay paglalaanan ng kailangan nila, gaya ng pagkain at damit. (Mateo 6:25, 31, 32) Pero hindi niya sinabi na magiging mayaman sila, o ipinahiwatig man na ang kayamanan ay katibayan ng pagpapala ng Diyos. Ang totoo, binabalaan pa nga ni Jesus ang mga tagapakinig niya na ang paghahangad na yumaman ay magpapahirap lang sa kanila na unahin ang Kaharian. (Mateo 6:19, 20, 24) Halimbawa, si apostol Pablo, inuna niya ang Kaharian ng Diyos sa buhay niya, pero may mga panahon na kinakapos siya. At gaya ni Jesus, sinabi din niya na mapanganib ang paghahangad na yumaman.—Filipos 4:11, 12; 1 Timoteo 6:6-10.

 Maling akala: Hindi na kailangang magtrabaho ng mga Kristiyano.

 Ang totoo: Sinasabi ng Bibliya na dapat magtrabaho ang mga Kristiyano para suportahan ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya. (1 Tesalonica 4:11, 12; 2 Tesalonica 3:10; 1 Timoteo 5:8) Hindi sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na Kaharian lang ang hanapin nila; ang sinabi niya, dapat nilang unahin ang Kaharian.

 Ang mga umuuna sa Kaharian ng Diyos at masipag na naghahanapbuhay ay makakaasa na tutulungan sila ng Diyos na magkaroon ng mga pangangailangan sa buhay.—1 Timoteo 6:17-19.

a Ang pananalitang “patuloy [na] unahin” ay mula sa pandiwang Griego na nagpapahiwatig ng paggawa ng isang bagay nang patuluyan. Kaya ang Kaharian ay dapat na laging maging priyoridad at hindi lang dapat unahin sa loob ng ilang panahon o kapag gusto mo lang.