PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Mateo 6:34—“Huwag Alalahanin ang Bukas”
“Huwag kayong mag-alala tungkol sa susunod na araw, dahil ang kasunod na araw ay magkakaroon ng sarili nitong mga álalahanín. Sapat na ang mga problema sa bawat araw.”—Mateo 6:34, Bagong Sanlibutang Salin.
“Huwag alalahanin ang bukas sapagkat bahala ang bukas na mag-alala sa kanyang sarili. Sapat na sa bawat araw ang sariling hirap nito.”—Mateo 6:34, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Ibig Sabihin ng Mateo 6:34
Nang sabihin ni Jesus ang mga salitang ito, tiniyak niya sa mga tagapakinig na hindi nila kailangang mag-alala nang sobra tungkol sa mga darating na problema. At mas mabuti kung paisa-isang araw lang ang iisipin nila.
Hindi ibig sabihin ni Jesus na hindi na natin dapat isipin ang mangyayari bukas o hindi na tayo dapat magplano para sa hinaharap. (Kawikaan 21:5) Tinutulungan lang niya tayong huwag masyadong mag-alala o mamroblema tungkol sa posibleng mangyari sa hinaharap. Hindi na kasi tayo magiging masaya at hindi tayo makakapagpokus sa dapat nating gawin. Hindi rin naman natin malulutas ang mga darating na problema kung poproblemahin natin iyon ngayon. At kadalasan, hindi naman nangyayari ang pinoproblema natin o hindi naman kasinsama ng iniisip natin ang talagang nangyayari.
Konteksto ng Mateo 6:34
Ang mga salitang ito ni Jesus ay bahagi ng kaniyang Sermon sa Bundok na mababasa sa Mateo kabanata 5-7. Sa sermong iyan, ipinaliwanag ni Jesus na ang sobrang pag-aalala ay hindi makakapagpaganda o makakapagpahaba ng buhay natin. (Mateo 6:27) Sinabi rin niya na kung uunahin natin ang Diyos sa buhay natin, hindi na natin kailangan na masyadong mag-alala tungkol sa mangyayari sa mga susunod na araw. Hindi pinapabayaan ng Diyos ang mga halaman at hayop, kaya siguradong hindi rin niya papabayaan ang mga naglilingkod sa kaniya.—Mateo 6:25, 26, 28-33.
Basahin ang Mateo kabanata 6, pati na ang mga talababa, cross-reference, at larawan.