PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA
Mikas 6:8—“Buong Pagpapakumbabáng Sumunod Ka sa Iyong Diyos”
“Sinabi niya sa iyo, O tao, kung ano ang mabuti. At ano lang ang hinihiling sa iyo ni Jehova? Ang maging makatarungan, ibigin ang katapatan, at maging mapagpakumbaba sa paglakad na kasama ng iyong Diyos!”—Mikas 6:8, Bagong Sanlibutang Salin.
“Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabáng sumunod ka sa iyong Diyos.”—Mikas 6:8, Magandang Balita Biblia.
Ibig Sabihin ng Mikas 6:8
Sinasabi ni propeta Mikas na puwedeng mapasaya ng mga tao ang Diyos na Jehova. a (1 Juan 5:3) Sa talatang ito, inilarawan sa tatlong paraan kung ano ang inaasahan sa atin ng Diyos. Ang unang dalawa ay tungkol sa pakikitungo ng isang tao sa kapuwa niya at ang ikatlo naman ay tungkol sa kaugnayan niya sa Diyos.
“Maging makatarungan.” Gusto ng Diyos na maging makatarungan at patas ang mga sumasamba sa kaniya. Ibig sabihin, kailangan nilang mag-isip at kumilos ayon sa pamantayan ng Diyos pagdating sa kung ano ang tama at mali. (Deuteronomio 32:4) Halimbawa, kung sinusunod nila ang pamantayan ng Diyos, magiging tapat sila sa lahat ng tao at hindi magtatangi anuman ang pinagmulan ng mga ito, nasyonalidad, o kalagayan sa lipunan.—Levitico 19:15; Isaias 1:17; Hebreo 13:18.
“Ibigin ang katapatan.” Puwede ring isalin ang pananalitang ito na “ibigin ang tapat na pag-ibig.” (Mikas 6:8, talababa) Sa orihinal na Hebreo, ang salita para sa “katapatan” ay hindi lang tumutukoy sa pagiging tapat sa isang relasyon o ugnayan. Nangangahulugan din ito ng pagpapakita ng kabaitan at awa sa iba nang higit pa sa kailangang gawin ng isa. Para mapasaya ang Diyos, hindi lang basta pagpapakita ng kabaitan at awa ang gusto niyang gawin ng mga sumasamba sa kaniya. Gusto rin niyang pahalagahan at mahalin nila ang mga katangiang ito. Ibig sabihin, dapat silang maging masaya sa pagtulong sa iba, lalo na sa mga nangangailangan. Kung mapagbigay sila magiging masaya sila.—Gawa 20:35.
“Maging mapagpakumbaba sa paglakad na kasama ng iyong Diyos.” Sa Bibliya, ang pananalitang “paglakad” ay puwedeng mangahulugang “pagsunod sa isang partikular na landasin ng pagkilos.” Ang isang taong lumalakad na kasama ng Diyos ay namumuhay sa paraang nagpapasaya sa Kaniya. Magandang halimbawa dito si Noe. Sinasabing “lumakad [siya] na kasama ng tunay na Diyos” dahil matuwid siya sa paningin ng Diyos at “walang pagkukulang kung ihahambing sa mga kapanahon niya.” (Genesis 6:9) Ngayon, ‘lumalakad tayo na kasama ng Diyos’ kung namumuhay tayo ayon sa mga turo ng Salita niya, ang Bibliya. Para magawa ito, kailangan nating mapagpakumbabang tanggapin ang mga limitasyon natin at kilalanin na kailangan natin ang Diyos sa lahat ng bagay.—Juan 17:3; Gawa 17:28; Apocalipsis 4:11.
Konteksto ng Mikas 6:8
Propeta si Mikas sa Israel noong 777-717 B.C.E. Noong panahong iyon, laganap sa lupain ang idolatriya, pandaraya, at pang-aapi. (Mikas 1:7; 3:1-3, 9-11; 6:10-12) Binabale-wala ng mga Israelita ang mga sinabi ng Diyos sa Kautusan na ibinigay niya kay Moises, na tinatawag na Kautusang Mosaiko. Marami rin noon ang nag-aakalang napapasaya na nila ang Diyos basta gumagawa sila ng mga relihiyosong ritwal at naghahandog ng mga hain.—Kawikaan 21:3; Oseas 6:6; Mikas 6:6, 7.
Daan-daang taon makalipas ang panahon ni Mikas, idiniin ulit ni Jesus na ang mga nagpapakita ng pag-ibig, katarungan, at awa ang nagpapasaya sa kaniyang Ama hindi ang mga nagkukunwari lang na sumasamba sa Diyos para magmukhang makadiyos sila. (Mateo 9:13; 22:37-39; 23:23) Itinuturo sa atin ng mga salitang ito ni Jesus kung ano ang inaasahan ng Diyos sa mga sumasamba sa Kaniya ngayon.
Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Mikas.
a Ang pangalang Jehova ay isang salin sa wikang Tagalog ng pangalan ng Diyos sa wikang Hebreo—ang apat na letrang יהוה (YHWH), na kilalá bilang ang Tetragrammaton. Ang pangalang ito ay isinaling “PANGINOON” sa tekstong ito sa Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino. Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pangalang Jehova at kung bakit inalis ng ilang tagapagsalin ng Bibliya ang pangalang ito, tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”