Pumunta sa nilalaman

PALIWANAG SA MGA TEKSTO SA BIBLIYA

Roma 6:23—“Sapagkat Kamatayan ang Kabayaran ng Kasalanan, Ngunit ang Walang Bayad na Kaloob ng Diyos ay Buhay na Walang Hanggan”

Roma 6:23—“Sapagkat Kamatayan ang Kabayaran ng Kasalanan, Ngunit ang Walang Bayad na Kaloob ng Diyos ay Buhay na Walang Hanggan”

 “Dahil ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan, pero ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.”​—Roma 6:23, Bagong Sanlibutang Salin.

 “Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.”​—Roma 6:23, Magandang Balita Biblia.

Ibig Sabihin ng Roma 6:23

 Sa mga salitang ito ni apostol Pablo, ipinaliwanag niya na namamatay ang mga tao dahil sa kasalanan. Pero nagbibigay ang Diyos ng magandang pag-asa sa mga tapat na lingkod niya—ang regalong buhay na walang hanggan.

 “Ang kabayaran para sa kasalanan ay kamatayan.” Ang lahat ng tao, ipinanganak na di-perpekto kaya normal na magkasala sila. a (Awit 51:5; Eclesiastes 7:20) Dahil ipinanganak silang makasalanan, tatanda at mamamatay sila.​—Roma 5:12.

 Inihalintulad ni Pablo ang kasalanan sa isang panginoon na nagpapasuweldo. Inaasahan ng isang manggagawa na susuwelduhan siya ng panginoon niya sa trabaho niya. Sa katulad na paraan, aasahan din ng mga tao na tatanggap sila ng “suweldong” kamatayan dahil hindi sila perpekto.

 Pero ipinaliwanag din ni Pablo na “ang taong namatay ay napawalang-sala na.” (Roma 6:7) Kapag namatay na ang isang tao, napawalang-sala, o napalaya, na siya sa mga kasalanan niya. Kaya hindi natin dapat isipin na pinapahirapan pa rin ang mga namatay dahil sa mga nagawa nilang kasalanan. Ang totoo, malinaw na sinasabi ng Bibliya na wala nang iniisip o ginagawa o nararamdaman ang mga patay.​—Eclesiastes 9:5.

 “Pero ang regalo ng Diyos ay buhay na walang hanggan.” Kabaligtaran ng “kabayaran” ng kasalanan, may ibinibigay ang Diyos na regalong buhay na walang hanggan. Ang orihinal na salita para sa “regalo” ay puwede ring i-translate na “di-sana-nararapat na regalo.” Tumutukoy ito sa isang regalo na tinanggap ng isang tao, hindi dahil pinaghirapan niya ito o karapat-dapat siya dito. Walang makasalanang tao ang puwedeng magkaroon ng kaligtasan at buhay na walang hanggan dahil sa sarili niya. (Awit 49:7, 8) Pero ibinibigay ng Diyos ang napakahalagang regalo na buhay na walang hanggan sa mga taong mananampalataya kay Jesus.​—Juan 3:16; Roma 5:15, 18.

Konteksto ng Roma 6:23

 Isinulat ni Pablo ang liham na ito sa mga Kristiyano sa Roma noong mga 56 C.E. Lumilitaw na mali ang iniisip ng ilang Kristiyano doon tungkol sa awa ng Diyos dahil sa impluwensiya ng Griegong pilosopiya. Iniisip nila na mas nagagamit nila ang kapatawaran ng Diyos kapag mas marami silang kasalanan. (Roma 6:1) Sinasabi naman ng iba na hindi sila mananagot sa mga kasalanan nila dahil wala na sila sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (Roma 6:15) Idiniin ni Pablo sa liham niya na hindi makikinabang ang mga Kristiyano sa awa ng Diyos kapag hahayaan nilang lagi silang nagkakasala.​—Roma 6:12-14, 16.

 Sinisigurado ng mga salitang ito ni Pablo sa mga mananamba ng Diyos ngayon na kahit ipinanganak silang makasalanan, may pag-asa pa rin sila. Kung susundin nila ang mga pamantayan ng Diyos sa moral at hindi magpapadala sa mga pagnanasa nila, nangangako ang Diyos na bibigyan niya sila ng buhay na walang hanggan.​—Roma 6:22.

 Panoorin ang maikling video na ito para makita ang nilalaman ng aklat ng Roma.

a Sa Bibliya, ang salitang “kasalanan” ay tumutukoy sa mga gawa o kaisipan na hindi ayon sa pamantayan ng Diyos. (1 Juan 3:4) Tingnan ang artikulong “Ano ang Kasalanan?